Ang Pakikipagsapalaran bilang Mag-aaral - Bullying
Takot ang araw-araw na nararamdaman ng milyun-milyong kabataan na biktima ng pang-aabuso ng mga siga. Ang iba namang mga kabataan ay biktima ng pambabastos.
Ang iba namang mga kabataan ay nililigalig ng kanilang mga kaeskuwela sa pamamagitan ng Internet. Naging biktima ka na ba ng ganitong pang-aabuso o pambabastos? Kung oo, ano ang puwede mong gawin sa ganitong mahirap na situwasyon?
Ang ilang siga ay sadyang nang-iinis dahil gusto nilang makita kung ano ang magiging reaksiyon mo. Ang totoo, kapag ginantihan mo ng masama ang masama,’ para kang nagbubuhos ng gasolina sa apoy lalo lamang lalaki ang problema. Kapag pinag-iinitan ka, paano mo gagamitin ang iyong ulo, sa halip na makipagbasag-ulo?
Mga Bagay na Dapat Gawin Kapag na Napapaharap sa mga Sitwasyon Pambubully:
- Huwag mapikon
Kung gusto ka lamang nilang gawing katatawanan, makitawa ka na lang din, sa halip na mapikon. Kung minsan, mas magandang huwag na lamang seryosohin ang masasakit na salitang sinasabi nila. Kapag napansin ng siga na bale-wala lang sa iyo ang pinagsasasabi niya, baka tantanan ka na niya.
- Maging mahinahon.
Tiyak na mabibigla ang isang siga kapag mahinahon ang sagot mo, at maaaring humupa ang tensiyon dahil dito. Totoo, hindi madaling manatiling malamig ang ulo kapag pinag-iinitan ka. Pero ito ang laging pinakamabuting gawin. Tanda ng kalakasan ang kahinahunan. Kontrolado ng isang taong mahinahon ang kaniyang damdamin. Sa kabaligtaran, ang isang siga ay walang tiwala sa sarili, mainitin ang ulo, at parang laging may gustong patunayan.
- Protektahan ang iyong sarili.
Kung mainit na ang situwasyon, baka kailangan mo nang tumakas. Bago sumiklab ang away, umalis ka na. Kaya kung sa tingin mo ay sasaktan ka na nila, lumayo ka na o kaya’y tumakbo. Kung hindi ka makatakbo palayo, gawin ang lahat para protektahan ang iyong sarili.
- Magsumbong.
Karapatan ng mga magulang mo na malaman ang nangyayari sa iyo. Mabibigyan ka nila ng praktikal na payo. Halimbawa, baka imungkahi nilang ipaalam mo sa iyong guro o sa gurong tagapayo ang tungkol sa pang-aabuso. Makatitiyak kang magiging maingat ang iyong mga magulang at ang mga guro sa paglutas sa problema para hindi ka lalong mapag-initan.
Sa madaling salita, matatalo mo ang mga nang-aabuso kung hindi mo sila papatulan. Kaya huwag kang magpaapekto sa kanilang pang-iinis. Sa halip, kontrolin mo ang situwasyon sa pamamagitan ng pagsunod sa nabanggit na mga mungkahi.